• Tuesday, June 12, 2012

      Apoy ng Pag-asa (250-word Short Story Writing Contest)



      “Gutom na ako kuya, meron po bang makakain?” ang sabi ng anim na taon na si Nald. Pumapatak ang malakas na ulan ng gabing iyon. Makikita sa isang kanto ang matiyagang pinagpatong-patong na kahoy at karton na nagsilbing tirahan ng magkapatid na Roy at Nald.

       

      “Konting tiis na lang Nald. Alam kong tatlong araw na tayong di kumakain. Bukas maghahanap ako ng makakain.”

      Takot sa responsibilidad ang kanilang ina at simula nang mahirapang kumita ng pera at wala nang maipakain sa mga anak ay agad niya itong iniwan sa lansangan. 


      Sinindihan ni Roy ang isang kandila gamit ang posporo at ito ang nagsilbing liwanag sa madilim na gabi ng mag kapatid. Dinukot ni Roy sa bulsa ang isang pakete ng kulay lupa at malagkit na likido. Agad nila itong inamoy habang pinagmamasdan ang pagsayaw ng maliit na apoy.

      Sa bawat pag singhot nito ay unti-unting nakadadama ng kasiyahan at bagong pag-asa ang magkapatid. Nang may napansin silang isang babaeng nakatayo sa labas. Mistulang hindi sila makapaniwala sa kanilang nakita.

      “Kuya! Si Mama!”.

      Agad na tumayo ang magkapatid at niyakap ang kanilang ina at biglang bumuhos ang kanilang mga luha.

      “Patawarin nyo ako anak, hindi ko na kayo muling iiwan. Sana ay mapatawad nyo pa ako.”

      Sumapit ang umaga. Tumila ang ulan. Dahan-dahang umagos ang natunaw na kandila sa karton, kasabay ng unti-unting pagkamatay ng apoy nito. Mababanaag sa mga mata at ngiti ng magkapatid ang di mawaring kasiyahan habang nakahandusay ang kanilang walang buhay na mga katawan sa sobrang gutom.

      ~WAKAS

      2 comments:

      Napamulagat ang espiritu ko dito.

      Mahusay. Naiparating ang mensahe sa maikling sanaysay ang dapat na maipabatid sa mambabasa.

      Kahirapan. Droga. Ang kabilang pisngi ng Pilipinas.

      :)

      "Kahirapan. Droga. Ang kabilang pisngi ng Pilipinas." Sang-ayon po ako dito.

      Maraming salamat po sa pagbisita sir J. Kulisap. :)

      Post a Comment

      Subscribe To RSS

      Sign up to receive latest news