• Wednesday, October 31, 2012

      Hindi Ko Alam

      Hindi niya alintana ang init na nagmumula sa sikat ng araw. Banayad na humaplos ang mainit na hangin sa kanyang pisngi. Nakaupo siya sa isang sulok. Pinagmamasdan niya ang mga taong nagmamadali at mistulang abala sa kani-kanilang mga buhay habang unti-unting humihigpit ang kamay na nakagapos sa kanyang sikmura. Mahigit ilang araw na ba nang muling nalamanan ang kanyang sikmura? Sa hugis ng kanyang pangangatawan ay maliit lamang ang espasyo nito, sakto sa dalawa o tatlong piraso ng pandesal.

      “Ang baho niya!” sabi ng isang nakasimangot na bata, sabay turo pa nito sa nakaupo. Mabuti na lamang at kasama nito ang kanyang ina na agad naman itong sinuway at hinilang papalayo.

      Kumusta na kaya sila? Asan na ang kanyang mga magulang? Ang mga mahal sa buhay? Mga kamag-anak na kailanman’y hindi siya pinahalagahan. Kawalan ng pag-asa ang kanilang natatanging ipinakita simula nang malaman ang problema pantungkol sa kanyang pag-iisip na kailanma’y hindi na magagawan ng paraan. Salat sila sa pera ‘pagkat walang trabaho ang kanyang Ama. Hindi din naman nagpapahuli ang kanyang ina na laging tao sa sugalan at bukod dito, madalas bumabalot sa kanilang mumunting tahanan ang amoy ng mga nakakahilong inumin at usok na nagmumula sa kanilang masasamang bisyo.

      “Leche ka!” galit na tono ng kanyang ama ng aksidente niyang mabitiwan ang plato ng kanin at isang pirasong tuyo kasabay nito ang tila makalumpong palo sa hita.

      Humagulgol siya at tumingin sa kanyang ina na tila humihingi ng saklolo. Ngunit ginatungan lamang nito ang galit ng itay.

      Araw-araw ay ganito ang pangyayari, san damakmak na pasa at sakit ang kanyang nararanasan. Parang isang sirang plaka na paulit-ulit na pinapatugtog. Ano ang nangyari? Hindi niya alam. Wala siyang alam.

      Muling humigpit ang kanyang pagkakahawak sa kanyang sikmura. Isang buntong hininga ang kanyang pinakawalan nang maamoy ang malalangit na halimuyak na nagmumula sa isang plastic ng tinapay. Agad siyang napatingin dito, sabay baling ng kanyang mga mata sa matandang may bitbit nito.

      Agad siyang tumayo, tila nabuhayan ng lakas. Dahan-dahan siyang naglakad at tinungo ang matanda. Walang pag-aalinlangan niyang hinablot ang plastic at tumakbo. Tumakbo siya ng tumakbo hanggang siya’y makalayo.

      Tumago siya sa isang sulok at unti-unting hinupa ang kanyang sikmurang ilaw araw ng sumisigaw. Masarap. Mabango. Tanging lubos na kasiyahan lamang ang makikita sa kanyang mga mata.

      Pangatlong subo ng biglang may humablot ng kanyang kamay. May tao. Mga tao. Kapansinpansin ang pamalo na dala-dala nito. Ang unipormeng asul. Isang matigas na bagay na yari sa kahoy ang pumukol sa kanyang batok. Agad niyang nabitiwan ang tinapay at nahulog ito sa kulay itim na putik. Isang pang palo sa balikat at nawalan na siya ng malay. Isang sampal at tadyak pa ang sumunod mula sa matanda. Hinawakan siya sa kamay at itinayo. Pwersahang idinala sa isang maliit na selda. Ano ang nangyari? Hindi niya alam. Wala siyang alam.

      -0-

      Tahimik. Payapa. Unti-unting pumasok ang sikat ng araw sa selda. Kapansin-pansin ang nakasusulasok na amoy na umaalingasaw dito. Siya’y mahimbing na natutulog sa kulay rosas na likidong bumabalot sa kanyang maliit na ulo. Biglang umihip ang hangin at dumapo ang isang maliit na langaw sa mga matang wala ni isang nakakakilala. Ω

      1 comments:

      Napakalungkot. Realidad. :'(

      Post a Comment

      Subscribe To RSS

      Sign up to receive latest news