• Tuesday, August 7, 2012

      Ang Harmonica ni Inay




      Heto nanaman si inay, nakaupo habang nagtutugtog ng kanyang harmonica.

      Kahanga-hanga! Ang tunog na nililikha sa pagihip ng instrumento---wala na akong masasabi pa.

      Si inay ang isa sa mga musikerong aking hinahangaan---isa sa pinakamagaling! Ang husay ni inay sa pagtugtog ay hindi matatawaran, kahit na mayroon siyang kapansanan. Liban kasi sa pagkakaroon ng malabong mata ay hirap din si inay na ikilos ang kanyang isang paa.

      Hindi kapanipaniwala pero dahil sa pagtutog ni inay ang dahilan kung bakit kami nabubuhay.

      Pachelbel’s Canon. Ang awit na paborito kong patugtugin ni inay. Kadalasan ay sinasayawan ko pa ito. Hindi ko alam, pero lubos akong nasisiyahan kapag naririnig ko ito. Marahil ay sa ganda narin ng malambing na tugtuging taglay nito.

      Sadyang kaybilis ng takbo ng mundo. Mahigit tatlong taon narin simula ng huling mapuno ang aming entablado. Dati-rati ay halos araw-araw may mga taong nakikinig, kadalasan ay nagsisiksikan pa para lamang mapakinggan ang mga tugtog ni inay. Mababakas sa kanilang mga mata at ngiti ang di mawaring kasiyahan at siya namang bughos ng mga hiyawan at palakpakan matapos ang pagtugtog ni inay, kadalasan ay may nag-aalay pa ng bulaklak.

      Subalit ngayon, bibihira na lamang ang mga nakikinig. Hindi ko alam kung sadyang nagbago lamang ang nais ng mga tao. Tila nawalan na sila ng interes at pagkakataong pakinggan ang isang napakagandang musika.

      Sadyang Nakapanghihinayang…

      “Ting, Klang, Ting, Klang!”

      Mahigit tatlong oras na rin kaming nakaupo. Kahit hindi man sabihin, alam kong kanina pa nangangawit si inay sa kanyang inuupan. Sa wakas, nagkaroon na rin ng lamang barya ang madungis na lata na nasa aming harapan.

      ~WAKAS

      0 comments:

      Post a Comment

      Subscribe To RSS

      Sign up to receive latest news