Tanghaling tapat na. Mataas ang sikat ng araw, bagay na siya namang nagbigay kulay sa kapaligiran, ngunit tila hindi maipinta ang itsura ni Romeo. Padabog nitong isinara ang pinto. Dala ng problemang nanunuot sa kanyang isipan, napag pasyahan niyang lumabas ng bahay at magpahangin. Huminga siya ng malalim at dinukot niya ang cellphone sa kanyang bulsa at agad pinadalahan ng mensahe si Ana, ang kanyang kasintahan.
Magkita na lamang tayo sa clinic. Papunta na ako.
Masyadong mabilis ang takbo ng panahon. Hindi niya inaakalang matatapos ang dalawang taong panunuyo niya kay Ana. Simula noon ay madalas na silang magkasama. Lubos niyang mahal ang dalaga, at ganoon din ito sa kanya. Ngunit sa panahon ngayon sila’y nahaharap sa isang problemang maaring sumira o magpatibay ng kanilang pag-iibigan.
Pinagpatuloy niya ang kanyang paglalakad. Hanggang sa marating niya ang isang convenience store, ang madalas niyang pinupuntahan ng siya’y anim na taong gulang pa lamang. Humaplos sa kanyang mukha ang hanging nagmumula sa aircon ng buksan niya ang pinto. Pumasok siya sa loob.
Malaki na ang pinagbago nito. Sari-sari ng mga makukulay na produkto ang iyong mabibili. Ang mga estanteng kahoy noon ay ngayo’y napalitan na ng mga yari sa bakal. Marami naring mga nakapaskil sa dingding na syang naguudyok sa mga tao upang bumili ng mga produkto. At kung meron mang hindi nagbago, iyon ay ang masungit na kaherang kanina pa siya pinagmamasdan, ang kulay gris na mga baldosa na nakasalansan ng maayos sa sahig at ang ala-alang kailanma’y hindi niya malilimutan.
Pumunta siya sa dakong kanan, kung saan nakapwesto ang mga pagkaing madalas niyang bilhin noon, malapit sa may Kahera. Dahan-dahan niyang inilapat ang kanyang paa sa guhit na inililikha ng mga baldosa. At unti-unting nagbago ang mundo. Ang kupas na ala-ala’y unti-unting nagkaroon ng kulay.
“Papa! Papa! Gusto ko po ng pagkaing iyon!”
Tanghaling tapat na. Mataas ang sikat ng araw, bagay na siya namang nagbigay kulay sa kapaligiran. Napagpasyahan ng ama ni Romeo na bumili, kasama ang anak sa isang convenience store. Anim na taon si Romeo ng unang masilayan niya ang kanyang ama. Dahil narin sa uri ng trabaho nito sa ibang bansa.
“O sige anak. Sandali lang at babayaran ko lang ito.”
“Papa! Papa! Gusto ko din po ng ice cream.” Pahabol nito.
“Halika nga dito at punasan natin yang dumi mo sa bibig.”
“Papa, papa, totoo po ba iyon na aalis ka pong muli?”
“Anak, ayoko sana, pero kailangan, para din sa inyo iyon, para sa atin. Wag kang mag-alala, balang-araw magkakasama din tayong muli.” Sabay hawak nito sa ulo ni Romeo.
“Yey! Tapos, tapos ibibili mo po ulit ako ng ice cream papa!”
“Oo naman anak!” nakangiting tugon nito.
Ngunit, lumipas ang panahon. Ang mga araw ay naging buwan at ang mga buwan ay naging taon. Ang pangako’y nanatiling isang pangako. At ang lahat ng ito’y nagiwan ng lamat sa murang isipan ni Romeo. Unti-unting nadurog ang kanilang puso ng mabalitaang mayroon na palang ibang pamilya ang kanyang ama sa ibang bansa. At noon, siya’y nangako sa sarili na Hinding hindi ako tutulad sa aking ama.
---
Tanghaling tapat na. Mataas ang sikat ng araw, bagay na siya namang nagbigay kulay sa kapaligiran. Nanunuot ang lamig sa kanyang balat, lamig na nagmumula sa aircon. Kinuha ni Romeo ang paborito nitong pagkain na nakalagay sa estante at bahagyang pinunasan ang namuong luha sa kanyang mga mata.
Dahil sa pagkakataong iyon. Sa panandaliang paglakbay ng kanyang isipan patungo sa kanyang sarili noong siya’y anim na taong gulang pa lamang. Isang pangako ang muling nabuhay, isang pangako ang naghihintay ng pagsasakatuparan.
Dalidali niyang kinuha ang kanyang cellphone sa kanyang bulsa at agad pinadalahan ng mensahe si Ana.
Ana, nakapagdesisyon na ako. Patawad, hindi na natin ipagpapatuloy ang pagpapalaglag. Bubuhayin natin ang bata. Papunta na ako sa inyo, hintayin mo ako. Ω